Lumagda sa kasunduan ang Department of Transportation (DOTr), Provincial Government ng Northern Samar, at Local Government ng Mapanas para sa konstruksyon ng port projects sa tatlong lugar sa naturang lalawigan.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Maritime Elmer Francisco Sarmiento, ang nasabing proyekto ay makatutulong na mapabuti ang ekonomiya sa Northern Samar at makatutulong na makonekta ang mga komunidad sa lalawigan.
Sa ilalim ng kasunduan, naglaan ng P25 milyon ang DOTr para sa konstruksyon ng tatlong port projects sa San Jose, Allen, at Mapanas sa Northern Samar.
Nagpasalamat naman ang Provincial Government ng Northern Samar at Mapanas LGU sa DOTr na anila ay malaking bagay para sa paglago ng ekonomiya sa probinsya gaya ng paglago ng industriya ng copra na dinadala sa iba’t ibang lalawigan. | ulat ni Diane Lear