Tatlong libong magsasaka sa Zambales ang nakatanggap ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM) ng administrasyong Marcos.
Ito ay isang bagong programa ng pamahalaan na layuning tulungan ang mga magsasaka na maparami ang kanilang aning palay at madagdagan ang buffer stock ng bigas sa bansa.
Ang programa ay isa sa mga inisyatibo ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ng Mababang Kapulungan ng Kongreso katuwang ang National Food Authority (NFA), Department of Agriculture (DA), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Inaasahan na sa pamamagitan nito ay maiangat ang kabuhayan ng mga manggagawa sa sektor ng agrikultura.
“Bahagi pa rin ito ng direktiba ng ating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang ating mga rice farmers na nagkukulang sa panggastos sa pamilya at sa kanilang sinasaka. This also helps the Marcos administration’s efforts to enhance our food security,” ani Speaker Romualdez.
Ang mga magasaka na nakatanggap ng ayuda, ay hinihikayat na ibenta ang hindi bababa sa 100 kilo ng kanilang aning bigas sa NFA para madagdagan ang buffer stock ng bansa.
Ang programa ay idinisenyo para mapanatiling sapat ang suplay ng bigas sa bansa, at matulungan ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang distrito sa buong Pilipinas.
Ang 3,000 benepisyaryong magsasaka ay tinukoy ng DA mula sa nasasakupang distrito ni Zambales Rep. Doris “Nanay Bing” E. Maniquiz ang nakatanggap ng tig-P2,000 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD.
“Following the approach used in our CARD and the ISIP for Youth programs, we will visit every legislative district of the House of Representatives, in line with President Marcos’ directive, to ensure equitable distribution of government aid throughout the countryside,” ayon pa kay Romualdez.| ulat ni Kathleen Forbes