Iniimbestigahan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang apat na kainuman ng biktimang nasawi matapos na umano’y tamaan ng ligaw na bala sa Mariveles, Bataan.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, nangyari ang insidente noong pagsalubong ng Bagong Taon.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nag-iinuman umano ang apat kasama ang 40 taong gulang na lalaking biktima nang bigla na lamang itong humandusay sa veranda.
Nang tingnan ng mga kasamahan, may tama ng bala ng baril sa tagiliran ang biktima dahilan ng kanyang pagkasawi.
Ani Fajardo, kanilang pinag-aaralan kung ito ba ay biktima talaga ng ‘stray bullet’.
Marami kasing insidente ng patayan ang nangyayari kapag nakainom at nagkaroon pa ng pagtatalo ang mga sangkot. | ulat ni Leo Sarne