Magbibigay ang Pamahalaang Lungsod ng Pasig ng Emergency Go Bags sa mga residente nito.
Bahagi ito ng hakbang ng Pasig LGU na paghandaan ang panahon ng sakuna o kalamidad sa bawat pamilyang Pasigueño.
Ang bawat Emergency Go Bag ay naglalaman ng flash light, glowstick, whistle, thermal blanket, mga heavy duty scissor, zip lock bag, sticker, magnet, Family Disaster Preparedness Booklet at first aid kit.
Nakalagay din sa Family Disaster Preparedness Booklet kung ano ang dapat na laman ng Emergency Go Bag, at may QR Code din kung saan maa-access ang instruction video kung paano gamitin ang mga laman ng Emergency Go Bag.
Nasa 430,000 na Emergency Go Bags ang ipamamahagi ng Pasig LGU at isasagawa sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay gaya ng ginawang pagbibigay sa Pamaskong Handog.
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, mas lalong paiigtingin ang emergency disaster preparedness projects sa lungsod gaya ng pagbibigay ng hard hats at whistles sa bawat mag-aaral at gayundin ang pamimigay ng employees go bag para sa mga kawani ng city hall. | ulat ni Diane Lear
Photo: Pasig LGU