Nadiskubre ang pitong (7) bangkay ng tao na nakalibing sa iisang hukay ng bakanteng lote sa Sitio Lapao, Barangay Karkum, Sapad, Lanao Del Norte kahapon, Enero 7, 2024.
Batay sa inisyal na ulat ng Sapad Municipal Police Station (MPS), bangkay ng tatlong (3) babae at apat (4) na lalaki ang nadiskubre sa naturang hukay.
Ayon sa panayam ng RP Iligan kay Lanao del Norte Police Provincial Office (PPO) Public Information Officer PLt. Ruby Cubillan, 3 pa lang sa kasalukuyan ang kinikilalang biktima na residente ng Barangay Poblacion, Margosatubig, Zamboanga del Sur base sa kanilang pagkakakilanlan.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng mga kapulisan hinggil sa insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng 4 na unidentified victims at ang salarin sa likod ng krimen.
Ito ay matapos naiulat ng isang concerned citizen sa mga awtoridad ang nakita nitong nakalibing na mga bangkay ng tao sa naturang lugar.
May mga narekober din na iilang cartridges o bala umano ng kalibre .45 na baril sa naturang hukay na kasalukuyang nasa kustodiya ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).
Ang labi ng mga biktima ay kasalukuyang nasa Funeral Homes sa Kapatagan, Lanao Del Norte para sa post-mortem examination o autopsiya.| ulat ni Sharif Timhar Habib Majid