Kasabay ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ay lumapag na rin sa Zambales ang Cash and Rice Distribution (CARD) Program, ang pinakabagong programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na layong maghatid ng tulong pinansyal at abot-kayang bigas sa publiko.
Kabuuang 3,000 residente sa congressional district ni Rep. Doris “Nanay Bing” E. Maniquiz ang nakatanggap P2,000 na halaga ng tulong: P950 para sa 25-kilogram sako ng bigas o P38 kada kilo at P1,050 na pinansyal na tulong para pambili ng iba pang kinakailangan pagkain.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez na siyang nagpasinaya sa CARD program, tugon ito sa hamon ni PBBM na tulungan ang mga Pilipino sa hirap ng buhay lalo na pagdating sa pagkain.
“This program responds to the challenge of President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. to help Filipinos cope with the times. Kaya aming inilunsad itong CARD program na layong bigyan ng tulong ang mga nahihirapang kababayan natin sa pamamagitan ng tulong-pinansyal at bigas,” sabi ni Speaker Romualdez, lider ng higit tatlong daang kinatawan ng Kamara.
Una nang inilunsad na ang programa noong nakaraang taon na layong maglaan ng tulong pinansyal at bigas sa mga kwalipikadong pamilya na tutukuyin ng bawat legislative district.
Isinagawa ng pamamahagi sa Iba Gymnasium Sports Center sa Iba, Zambales.| ulat ni Kathleen Forbes