Aminado ang Commission on Elections (COMELEC) na hindi na nila kakayaning pagsabayin ang paghahanda sa 2025 mid-term elections, at pagdaraos ng plebesito sa huling quarter ng 2024.
Sa briefing ng House Committee on Suffrage and Electoral Reform para sa paghahanda sa 2025 mid-term elections, natanong ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang COMELEC kung may sapat ba silang tauhan sakaling magsagawa ng referendum ngayong taon.
Una nang sinabi ni Manuel, na target na magsagawa ng plebesito sa Hulyo para sa itinutulak na pag-amyenda sa Saligang Batas.
Tugon ni Comelec Executive Director Teopisto Elnas, Jr. sakaling matapat ang referendum sa huling bahagi ng 2024 o unang bahagi ng 2025 ay hindi na kakayanin ng poll body na maghanda at magsagawa pa ng plebesito.
Aniya, Oktubre kasi ay simula na ng filing ng certificate of candidacy para sa mid-term elections.
Habang mas magiging abala sila sa unang quarter ng susunod na taon.
Ang ‘window’ lamang nila para makapagsagawa ng plebesito ay sa buwan ng Agosto hanggang Setyembre.
Paalala pa ni Elnas, na sa 2025 maliban sa mid-term elections sa Mayo ay gaganapin din ang Baranggay Elections ng Disyembre kung saan kailangan din magkasa ng panibagong voter’s registration para sa BSK. | ulat ni Kathleen Forbes