Sinimulan na ng Department of Agriculture ang hakbang upang pagtugmain ang pagtatanim at pag-ani ng mga gulay sa hilagang Luzon upang maiwasan ang sobra o kulang na produksiyon ng pagkain.
Inihayag ni Regional Technical Director Robert Busania ng DA-R02 na ang unang hakbang ay naganap nang magpulong ang mga kinatawan ng Agri-business Enterprise Development at Agribusiness and Marketing Assistance Service Division ng kagawaran mula sa Regions 1, 2, 3 at CAR upang pag-usapan ang harmonization o pagtugma ng pagtatanim at pag-ani ng mga gulay.
Simula ngayon ay regular nang magpupulong ang apat na rehiyon upang pag- aralan at paghambingin ang datos ukol sa bulto ng produksyion ng gulay sa bawat panahon at lugar upang sa kalaunan ay makagawa sila ng iskedyul ng pagtatanim sa bawat probinsiya o rehiyon.
Sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang pagkasayang ng mga gulay sa North Luzon dahil sa sobrang produksiyon.
Inihalimbawa ni RTD Busania ang produksiyon ng repolyo kung saan isang milyong kilo ng repolyo sa isang araw ang naibagsak sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal kamakailan samantalang dati-rati ay umaabot lamang ng kalahating milyong kilo. | ulat ni Sany Lopez | RP1 Tuguegarao
📸 Dept of Agriculture