Pormal na pinanumpa sa tungkulin ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang dalawang bagong one-star General ng PNP kasunod ng pag-apruba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa promosyon ng mga ito.
Sa Donning of Ranks Ceremony sa Camp Crame, iginawad ng PNP Chief kina Police Brigadier General Restituto B. Arcangel, ang Director ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG), at Police Brigadier General Arnold Thomas C. Ibay, na nagsisilbing Director ng Manila Police District (MPD), ang kanilang unang Estrella.
Ang promosyon ng dalawang heneral ay bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon, natatanging pamumuno, at paninindigang itaguyod ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Sa kanyang mensahe, hinamon ng PNP Chief ang dalawang opisyal na patuloy na maglingkod ng may integridad, “empathy” at responsibilidad.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Gen. Acorda sa kakayahan ng dalawang opisyal na harapin ang mga hamon ng kanilang katungkulan. | ulat ni Leo Sarne
📷Courtesy of PNP-PIO