Nasa 800 pamilya na apektado ng pagbaha sa Davao region ang pinaabutan ng tulong ni Davao City 1st District Rep. Paolo Z. Duterte.
Sa pamamagitan ng kaniyang Pulong Pulong ni Pulong (PPP) program, agad binigyan ng hot meals ang mga lumikas na pamilya mula Matina Crossing, Catalunan, Bago Aplaya, Barangay 9-A, Barangay 2-A, Barangay 5-A, and Ma-a.
Binigyan din ang kada pamilya ng biskwit, gatas at inuming tubig at maging mga bata ay binigyan ng angkop na gatas para sa kanilang edad.
Ang mga taga-Barangay 5-A (Bankerohan) na pinakatinamaan ng pagbaha, maliban sa pagkain ay nakatanggap ng alcohol, tissue at rice assistance.
“We visited the affected families in evacuation centers to check on them and to distribute food, water, and milk to families with children. We encourage our Dabawenyos to remain vigilant. Our office is within your reach, ready to rescue and respond,” sabi ni Duterte.
Hinihintay na lamang aniya nila ang masterlist ng displaced families mula sa Davao City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Naglaan din ang Child Development Workers ng “child-friendly spaces” bilang psychosocial support sa mga bata. | ulat ni Kathleen Forbes