Kumilos na ang Department of Health para tulungan ang lokal na pamahalaan ng Baguio City upang bigyan ng medikal na atensyon ang mga biktima ng diarrhea outbreak doon.
Ayon kay Dr. Albert Domingo ng DOH Central Office, may mga doktor na silang mangangasiwa sa mga government hospital sa Baguio City para agad mabigyan ng medical treatment ang mga biktima.
Nakikipag-ugnayan na rin daw sila kay Mayor Benjamin Magalong at sa City Health Department ng Baguio City para tugunan ang nasabing problema.
Kahapon ay nagdeklara si Mayor Magalong ng diarrhea outbreak matapos sumampa sa 308 ang mga dinala sa ospital mula pa noong December 21, 2023.
Ang mga edad na dinala sa mga ospital dahil sa diarrhea ay mula 3 buwang gulang hanggang 92-anyos.
Ang umano’y maruming inumin o kontaminadong tubig ang dahilan ng diarrhea outbreak sa Baguio City.
Kaya naman pinayuhan ng DOH ang mga tao doon na tiyaking malinis ang tubig na iniinom at ginagamit na pang luto.
Habang isinasagawa ng DOH ang kanilang epidemiology investigation, nagpadala na sila ng malinis na potable water at oral rehydration solution o oresol sa mga lugar na apektado ng outbreak sa Baguio City. | ulat ni Michael Rogas