Nakipagtulungan ang pamahalaan ng Estados Unidos sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at pamahalaang panlalawigan ng Cagayan para sa paglulunsad ng unang “Cagayan Disaster Response Training-Paghahanda 1.24 Workshop” mula Enero 23 hanggang 24 sa Anquiray, Amulung, Cagayan.
Layon ng pagsasanay na mapahusay ang kapabilidad at kolaborasyon ng mga sibilyan at militar na “first responders”.
Dito’y nagsanay ang 70 local disaster response officials, military personnel, at humanitarian workers, upang mas maunawaan nila ang kanilang papel sa pagpapatupad ng mga prinsipyo ng Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR).
Ang U.S. Indo-Pacific Command Center for Excellence in Disaster Management and Humanitarian Assistance (CFE-DM) ang nagkaloob ng course materials; habang itinuro naman ng U.S. Agency for International Development – Bureau of Humanitarian Assistance sa mga kalahok ang proseso ng paghingi ng tulong sa US Government sa panahon ng sakuna. | ulat ni Leo Sarne