Hinikayat ng isang mambabatas ang Department of Health at mga lokal na pamahalaan na palakasin ang ugnayan para paghandaan ang mga sakit na posibleng umusbong dahil sa El Niño phenomenon.
Ayon kay BHW party-list Rep. Angelica Natasha Co ang “dry season illness” o mga sakit na kadalasang sumusulpot sa panahon ng tag-init ay maaaring tumindi dahil sa El Niño.
Ilan sa mga sakit na ito ang food poisoning, water contamination, flu o trangkaso, tigdas at bulutong, asthma, sore eyes, at heat exhaustion o heat stroke.
Kaya naman kailangan aniya na pagtulungan ng DOH at LGUs ang pagkakaroon ng mga hakbang para ito ay masugpo.
Payo pa ni Co na magsagawa ng serye ng libreng anti-flu vaccination, medical laboratory services at iba pang pagbabago sa mga programa ang DOH at LGUs.
Una nang nagbabala ang DOH at pinag-iingat ang publiko laban sa pagkakasakit oras na tumindi ang El Niño mula Pebrero hanggang Abril. | ulat ni Kathleen Forbes