Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga kasambahay ang pangako ng pamahalaan na patuloy nitong pangangalagaan ang kanilang mga karapatan at kapakanan.
Ito ang ibinahagi ni DOLE Workers’ Welfare and Protection Cluster Undersecretary Benjo Santos Benavidez sa taunang selebrasyon sa araw ng mga kasambahay na nakasentro sa paglalapit ng mga serbisyo ng pamahalaan para sa mga tulad na manggagawa.
Ayon kay Undersecretary Benavidez, ang pamahalaan ay nakatuon sa paglalapit ng mga serbisyo sa sektor ng mga kasambahay upang pangalagaan ang kanilang karapatan. Binanggit din niya ang pangangailangan na palawakin ang kanilang mga benepisyong panlipunan at hikayating magparehistro ang mga kasambahay sa kanilang mga barangay.
Dagdag pa ni Benavidez, malayo na ang narating ng “Batas Kasambahay” para sa proteksyon ng mga domestic worker sa bansa pero ayon sa kanya malayo pa ang kailangang marating sabay sabi na sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa ilalim ng Bagong Pilipinas ay dapat walang maiiwan, lalong lalo na raw ang ating mga kasambahay dahil tayong lahat, ayon kay Usec. Benavidez, ay bahagi ng iisang lipunan. | ulat ni EJ Lazaro