Patuloy ang paghahatid ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residenteng naapektuhan ng iba’t ibang kalamidad nitong huling quarter ng 2023.
Kabilang dito ang mga naapektuhan ng shear line at lindol na tumama sa Eastern Visayas at Mindanao.
Ang DSWD Eastern Visayas Field Office ay sinimulan ang pamamahagi ng Emergency Cash Transfer (ECT) sa Northern Samar kung saan nasa 13,418 na mga pamilya na ang nakinabang.
Nakapag-abot na rin ng tinatayang P75.4 milyon na ayuda ang DSWD Field Office 12 (SOCCSKSARGEN) sa 5,112 pamilyang naapektuhan ng magnitude 6.8 na lindol noong Nobyembre.
Samantala, nasa higit 4,000 pamilya rin ang naserbisyuhan ng DSWD Caraga Field Office sa payout noong January 23- 26.
Ito ay partikular na inilaan sa mga pamilyang apektado ng tumamang 7.4 magnitude na lindol noong Disyembre.
Sa kabuuan, aabot na sa P167.9 milyon ang halagang naipamahagi ng DSWD field offices sa mga apektadong bayan sa Northern Samar, Sarangani, at Surigao Del Sur.
Ayon sa DSWD, asahan ang pagpapatuloy ng payout activities nito sa mga susunod na araw sa pakikipagtulungan sa mga LGU. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: DSWD