Iniulat ng Quezon City Police District (QCPD) ang muling pagbaba sa walong focus crimes sa buong lungsod sa nakalipas na linggo.
Ayon sa QCPD, bumaba sa 25% ang focus crimes sa lungsod mula January 22-28.
Aabot sa 21 insidente ang naitala ng QCPD sa nakalipas na linggo kumpara sa 28 na nai-report mula January 15-21.
Kabilang sa walong focus crimes ang murder, homicide, physical injury, rape, theft, robbery, car theft, at motorcycle theft.
Pinuri naman ni QCPD Chief Police Brigadier General Red Maranan ang dedikasyon ng mga QCPD personnel na walang patid na nagtatrabaho para mapanatiling maayos at walang anumang gulo sa Quezon City.
Nagpasalamat din ito kay QC Mayor Joy Belmonte, stakeholders, at sa mga residente na patuloy na sumusuporta sa mga program ng Kapulisan.
“Dahil sa inyo, naging posible ang sunod-sunod na pagbaba ng mga krimen sa ating lungsod,” pahayag ni Police Brig. Gen. Maranan. | ulat ni Merry Ann Bastasa