Sinimulang ipatupad kaninang alas-7 ng umaga ang suspensyon ng permit to carry firearms outside of residence (PTCFOR) sa syudad ng Maynila bilang bahagi ng seguridad para sa Pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr. ang gun ban sa siyudad ay tatagal hanggang alas-7 ng umaga sa Enero 10.
Kasabay nito, nagsimula na rin kaninang 12:01 AM ng hatinggabi ang liquor ban sa syudad na tatagal hanggang 12:01 AM ng Enero 10.
Kabilang din sa mga ipinagbabawal sa Traslacion ang mga vendor sa bisinidad ng Quiapo Church; paggamit ng hoodie jackets, caps, backpacks, water bottles, umbrellas, raincoats, firecrackers at pyrotechnics, at deadly o bladed weapons.
Ipinaalala naman ni Nartatez sa mga motorista na magkakaroon ng mga “road closure” sa ruta ng Traslacion 2024 na magsisimula mamayang alas-8 ng gabi. | ulat ni Leo Sarne