Aabot sa 914 na mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ipakakalat sa kick-off rally ng Bagong Pilipinas sa Quirino Grandstand sa Maynila sa Linggo, Enero 28.
Ayon sa MMDA, kinabibilangan ito ng mga traffic personnel, road emergency group, sidewalk clearing operations, towing at impounding at iba pa.
Layon nito na umalalay sa magiging daloy ng trapiko lalo’t isasara sa mga motorista ang mga lansangan sa paligid ng Quirino Grandstand.
Maliban dito, may nakaantabay ding mga ambulansya, tow truck, mobile patrol units, motorcycle units at flood mitigation equipment sa mga itinalagang ruta bilang paghahanda.
May nakatalaga ring designated parking area para sa mga bus at kotse ng mga lalahok sa naturang programa.
Una nang nagpalabas ng traffic re-routing plan ang MMDA hinggil sa mga isasarang lansangan gayundin ang mga alternatibong ruta. | ulat ni Jaymark Dagala