Nakumpiska ng PNP sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Angeles City, Pampanga ang halos 1 milyong pisong halaga ng shabu mula sa 3 arestadong High Value drug suspek.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) 3 Regional Director Police Brig. General Jose S. Hidalgo Jr. kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., nakumpiska ang 75 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng 510,000 piso mula sa arestadong drug suspek na si alyas “Raydel” sa operation sa Brgy. Pulungbulu, Angeles City nitong Martes.
Sa hiwalay na buy-bust operation sa Barangay Lourdes North West sa araw ding iyon, narekober naman mula sa dalawang arestadong suspek na sina alyas “Ken” at alyas “Tisay” ang 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng 408,000 piso.
Ang mga arestadong suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Binati ni PBgen. Hidalgo ang mga tauhan ng Angeles City Police sa magkasunod na matagumpay na operasyon, kasabay ng pag-hikayat sa mga mamayan na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang mga drug-related activities sa kanilang lugar. | ulat ni Leo Sarne