Mayroon nang inisyal na naitala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na 95,065 pamilya o higit 392,000 indibidwal ang apektado ng mga ulan at bahang dulot ng shear line.
Ayon sa DSWD, karamihan ng mga apektado ay nagmula sa Region 11 at CARAGA.
Aabot na rin sa halos 4,000 pamilya o katumbas ng 13,961 na indibidwal ang inilikas sa 91 evacuation center habang nasa higit 5,000 pamilya rin ang nakikitira muna sa kanilang kaanak.
Kaugnay nito, nakapagtala na rin ang DSWD ng tatlong kabahayan na labis na nasira bunsod ng shearline habang 13 ang partially damaged.
Tuloy-tuloy naman ang relief efforts ng kagawaran sa lalawigan na nakapaghatid na ng higit ₱9.4-milyong halaga ng assistance sa mga apektadong LGU.
Una nang iniutos ni DSWD Chief Secretary Rex Gatchalian ang agarang pagpapadala ng family food packs (FFPs) sa mga apektado ng shear line. | ulat ni Merry Ann Bastasa