Umalma si House Appropriations Committee Chair Elizaldy Co sa pahayag ni Albay Rep. Edcel Lagman na ang P12 billion na dagdag sa budget ng COMELEC ngayong 2024 ay gagamitin para sa charter change.
Ayon kay Co ang naturang halaga ay idinagdag ng Kongreso matapos hilingin ng poll body na maitaas ang kanilang pondo na tinapyasan ng Department of Budget and Management sa isinumiteng National Expenditure Program.
Ang orihinal kasing proposal ng COMELEC ay P19.4 billion ngunit nasa P2 billion na lang ang nailagay sa NEP o kabuuang P17.4 billion na tapyas.
Kung titignan din aniya mabuti ang 2024 budget, P14 billion lang ang inaprubahang pondo ng COMELEC at hindi ang buong labingsiyam na bilyon. Ang nalalabing P5.4 billion naman aniya ay ipinasok sa unprogrammed funds.
“Comelec Chairman George Garcia personally appealed during the budget hearing in Congress to restore their budget. Congressman [Joseph Steven] Caraps Paduano, who presided over that meeting, attests that such request was approved by the committee and reflected in the minutes…. Laking pasasalamat pa nga ng Comelec and Chairman George Garcia to the Bicam team for accommodating their request. Maski sila pa ang tanungin nyo.” giit ni Co.
Para kay Co, malisyoso ang mga pahayag ng Albay solon.
Punto pa niya na ito ay budget ng COMELEC at tanging ang ahensya lang ang maaaring gumastos nito.
Ang tinutukoy aniya na pondo ni Lagman na nasa ilalim ng “Conduct and supervision of elections, referenda, recall votes and plebiscites” ay gagamitin para sa mga referendum gaya ng ipinanukalang cityhood ng San Jose del Monte.
Kasama rin aniya dito ang special elections para sa mga distrito kung saan namatay o naalis ang kanilang kongresista.
“Districts who lose representation for one reason or another deserve to have special elections where they can choose their leaders. That’s the purpose of the budget for the “Conduct and supervision of elections, referenda, recall votes and plebiscites,” sabi pa ni Co.| ulat ni Kathleen Jean Forbes