Pinuri ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda ang sikat na coffee shop sa pagtatama nito sa naging pagkakamali nang limitahan ang diskwentong maaaring i-avail ng mga PWD, senior citizen at iba pang kabilang sa vulnerable sector.
Batay sa anunsiyo ng Starbucks Philippines, magbibigay sila ng 40% discount sa lahat ng pagkain at inumin bilang ‘special treat’ sa mga senior citizen, PWDs, national athletes, eligible solo parents at Medal of Valor awardees sa January 24.
Ito ay matapos punahin ng Komite ang inilabas na panuntunan ng coffee shop, kung saan nilimitahan nito ang 20% discount na maaaring makuha ng naturang mga sektor.
Sabi ni Salceda, higit pa sa kanilang hiniling ang ibinigay ng kumpanya.
Matatandaan na sa nakaraang pagdinig ng komite kasama ang Committee on Senior Citizens ay sinabi ni Salceda na may dapat gawin ang Starbucks para makabawi sa ginawang paglabag sa batas.
“I commend Starbucks for their compensatory effort to correct the mistake of unduly limiting the discounts to vulnerable sectors of society. This is above and beyond what we requested, covering even our honored veterans. This affirms the way the House Committee on Ways and Means does its job – focused on remedies, not on the blame game.” sabi ni Salceda
Pagtiyak naman ng mambabatas, na patuloy nilang babantayan ang pagtalima ng mga kumpanya at pagsasaayos sa pribilehiyong diskwento ng vulnerable sectors. | ulat ni Kathleen Forbes