Sa kabila ng makulimlim at maulang panahon ay tuloy ang alay lakad ng ilang deboto sa bahagi ng Quezon Avenue ngayong Kapistahan ng Poong Nazareno.
Marami sa kanila, pakay ang magmisa sa Quiapo Church habang may ilan ay sabik na humabol sa prusisyon ngayong umaga.
Ayon kay Mang Boy na mula pa sa Bagong Silang, nais niyang samantalahin ngayon ang pagkakataon na makasama sa Traslacion lalo’t matagal din itong nawala.
Handa na ring humatak ng lubid ang grupo ni Tonyo na ikinatuwa ang pagbabalik ng tradisyonal na Traslacion.
May bitbit pa ang mga itong mga puting bimpo na nais anila nilang maipunas sa andas.
Kanya-kanya namang rason ang mga deboto kung bakit ilang taon na silang namamata sa Poong Nazareno.
May nananalangin ng kalusugan at mayroon ding para sa pamilya.
Inaasahang magpapatuloy pa ang dating ng mga deboto ngayong umaga lalo’t oras-oras ang misa sa Quiapo Church para sa Kapistahan ng Itim na Nazareno. | ulat ni Merry Ann Bastasa