Sang-ayon ang ilang mga magulang sa Lungsod ng Marikina sa mungkahing ibalik sa buwan ng Hunyo ang pagbubukas ng klase sa mga Paaralan.
Ito naman ang kanilang tugon sa pahayag ng Department of Education o DepEd na pinag-aaralan na nila ang naturang hakbang.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Sta. Elena Elementary School sa Marikina City, maliban sa nakasanayan, mainam anila na ibalik sa Hunyo ang pagbubukas ng klase.
Anila, nahihirapang tumutok sa pag-aaral ang kanilang mga anak dahil sa sobrang init ng panahon tuwing Marso at Abril na posible ring makaapekto sa kanilang kalusugan.
Hindi rin anila nasasamantala ng mga estudyante ang kani-kanilang bakasyon gaya ng swimming at iba pang aktibidad na kadalasang ginagawa sa panahon ng tag-araw. | ulat ni Jaymark Dagala