Ikinandado ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang hindi lisensyadong recruitment firm na nag-aalok ng mga modus na trabaho abroad.
Pinangunahan ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac katuwang ang Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) at PNP ang closure operations sa Legal Connect Travel Consultancy Agency na matatagpuan sa Unit 705, DHC Real Estate Lessor Building, No. 1115 EDSA, Barangay Veterans, Quezon City.
Ayon kay DMW Officer-in-Charge Hans Leo J. Cacdac, lumabas sa kanilang surveillance na iligal na nagre-recruit ang dubai-based firm ng trabahong factory workers, agri-workers at caregivers sa Italy habang hotel workers naman sa bansang Malta.
May tatlong biktima na aniyang hawak ng DMW na unang nagreklamo sa tanggapan ni Sen. Raffy Tulfo.
Nagsimula aniya itong mag-operate noong Mayo ng 2023 at nananaga ng P250,000-P380,000 na placement fee sa mga nag-apply sa Italy habang P200,000-P350,000 naman sa Malta.
Tiniyak naman ng DMW na mahaharap sa kasong kriminal ang kumpanya at hahabulin din sa siningil nito sa mga biktima.
Habang ang mga biktima ay bibigyan ng tulong pinansyal ng DMW sa tulong ng kanilang Aksyon Fund.
Ito na ang ikalawang kumpanyang naipasara ng DMW ngayon lamang Enero ng 2024.
Muli namang nagpaalala ang ahensya sa mga naghahanap ng trabaho abroad na maging mapanuri at ‘wag basta-basta maniniwala sa mga alok na trabaho lalo na sa social media.
Para naman sa iba pang nabiktima ng Legal Connect, maaari aniyang dumulog sa MWPB sa pamamagitan ng pagbibigay mensahe sa https://www.facebook.com/dmwairtip at [email protected]. | ulat ni Merry Ann Bastasa