Mariing kinondena ng Department of Education (DepEd) ang nangyaring pamamaril sa Education Program Supervisor ng Isulan Central School sa Sultan Kudarat.
Batay sa ulat na ipinarating sa DepEd, kasama ng naturang kawani ng Kagawaran ang kaniyang asawa sa loob ng sasakyan nang mangyari ang pag-atake ng mga salaring sakay ng motorsiklo.
Sa isinalabas na pahayag ngayong araw, binigyang diin ng DepEd na hindi katanggap-tanggap ang tangkang pagpatay sa isa nilang kawani at hindi ito dapat palampasin.
Nanawagan naman ang DepEd sa pulisya na paspasan ang imbestigasyon at papanagutin ang mga nasa likod ng naturang krimen.
Sa ngayon, nasa ligtas na kalagayan ang Education Program Supervisor habang nagtamo naman ng galos ang asawa nito dahil sa mga nagtalsikang basag na salamin dulot ng pamamaril.
Inaalam pa ng pulisya kung may kinalaman sa trabaho o kung personal na alitan ang motibo sa pamamaril. | ulat ni Jaymark Dagala