Ngayong halos tapos na ang Kamara sa mga priority legislation, ay itutuon na ng mga mambabatas ang atensyon sa oversight function nito.
Sa talumpati ni Speaker Martin Romualdez sa pagbubukas muli ng sesyon ng Kamara, sinabi nito na hindi lamang sila gumagawa ng batas. Dahil batay aniya sa kanilang mandato, sinisigurado rin nilang naipatutupad ang mga batas na ito nang wasto, patas, at direktang pakikinabangan ng publiko.
Kaya naman aniya susuportahan at tutulong ang Mababang Kapulungan na masigurong magiging matagumpay ang implementasyon ng mga programang ilalarga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. gaya ng tulong sa mga magsasaka, mangingisda, at mahihirap lalo na sa epekto ng inflation.
Patuloy din aniya silang makikipag-ugnayan sa Ehekutibo sa pamamagitan ng mga inquiry in aid of legislation upang masolusyunan ang iba’t ibang isyu.
Matatandaan na nitong mga nakaraang linggo, sinilip ng Kamara ang alegasyon ng katiwalian sa PUV Modernization Program, ang nangyaring malawakang power outage sa Panay Island, at ang hindi tamang pagpapatupad ng diskwento na isa sa pribilehiyo ng mga PWD at senior citizens.
“We scrutinized government operations by conducting legislative inquiries in aid of legislation. We engaged our counterparts in the executive department in open and honest discussions, gathered reliable information and offered immediate recommendations,” aniya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes