Hindi pa isinasara ng Philippine National Police (PNP) ang kaso hinggil sa madugong pagpapasabog sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City noong isang taon na ikinasawi ng apat na indibiduwal.
Ito ang inihayag ng PNP sa kabila ng pagkakapatay ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa siyam na miyembro ng Daulah Islamiyah – Maute Terrorist Group sa Lanao del Sur nitong weekend.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, welcome development ito sa kanila dahil sa dami ng mga nakuhang ebidensya na mag-uugnay sa mga nasawing terorista sa nangyaring pagpapasabog.
Una nang kinumpirma ng Philippine Army na sa siyam na nasawing terorista, isa rito ang pinaghahanap na may direktang partisipasyon sa naturang pagpapasabog.
Kabilang na rito sina Saumay Saiden nakilala rin sa mga alyas na Ustadz Omar/ Abu Omar at Saumay gayundin si Abdul Hadi alyas Hodi Imam at Abday’n na sinasabing nag-assemble ng bombang ginamit dito.
Pero sinabi ni Fajardo na may dalawa pang pangunahing suspek ang kasalukuyang tinutugis pa, kaya’t puspusan ang ugnayan sa pagitan ng Pulisya at Militar para sa mabilis na ikadarakip ng mga ito. | ulat ni Jaymark Dagala