Nanawagan si Senate Committee on Public Services Chairperson Sen. Grace Poe sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kumpletong listahan ng mga ruta na inaasahang makukulangan ng jeepney simula sa Pebrero 1.
Giniit ni Poe na sa halip na pagtuunan ng pansin ang crackdown ng mga unconsolidated na mga jeep, dapat ay iprayoridad ng mga concerned agencies ang pagkakaroon ng contingency measure na magtitiyak na hindi mapeperwisyo ang komyuter sa bansa.
Araw-araw na aniyang naririnig ang pangamba ng mga komyuter tungkol sa posibilidad na kulangin ang mga public utility vehicle (PUV) sa mga lansangan o ang posibilidad na mas gagastos para sa alternatibong uri ng transportasyon.
Bagay na magiging pasakit at dagdag gastos aniya sa mga komyuter.
Dinagdag rin ni Poe na ang PUV modernization program ay nananatili ring banta para sa mga jeepney driver na nananatiling walang kooperatiba dahil sa iba’t ibang rason, gaya ng malaking gastos para sa bagong jeepney units.
Tanong ngayon ng senadora, para saan pa ang PUV modernization kung hindi ito maipapatupad nang maayos at kung ang kapalit naman nito ay pahirap para sa mga Pilipinong komyuter at maliliit na driver.| ulat ni Nimfa Asuncion