Natubos na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagkakasanla ang lupang kinatatayuan ng dating MMDA building sa EDSA cor. Orense Street, Guadalupe, Makati City.
Nilagdaan kamakailan nina MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes at Department of Finance – Privatization and Management Office (PMO) Chief Privatization Officer Atty. Maan Vanessa Doctor kasama ang iba pang opisyal ng ahensiya ang compromise agreement kung saan inilipat ang titulo ng lupa pabalik sa MMDA.
Ang naturang lupa ay nakasanla ng mahigit 40 taon at may lawak na halos 7,000 square meters.
Noong December 28, 2023 at January 5, 2024, binayaran sa PMO ang settlement fee para sa loan obligation kabilang ang principal, interest advances, at custodial expenses ng MMDA para sa Deed of Mortgage nito.
Mula sa orihinal na P2.2 billion ay bumaba na lamang sa P180 million ang binayaran sa pagtubos ng nasabing property.
Nagpasalamat naman si Artes kay dating Finance Secretary Benjamin Diokno na nagpagaan at nagsilbing financial intermediary para mapababa ang halaga ng loan obligation na binayaran ng ahensiya.
Matatandaang nagsilbing tahanan ng MMDA ang opisina sa Makati City nang maraming taon bago lumipat sa bagong MMDA Head Office sa Pasig City noong 2023. | ulat ni Diane Lear