Handa ang Maharlika Investment Corporation (MIC) na tumulong para sa upgrade ng National Grid Corporation (NGCP).
Sa isang panayam, sinabi ni MIC President and Chief Executive Officer Rafael Consing Jr. na bagaman may pondo ang NGCP para sa systems upgrade, hindi ito sapat dahil sa tumataas na generation ng renewable power kaya nagkakaroon ng kakulangan ng supply ng kuryente.
Kaya aniya, maaring pumasok ng MIC para tumulong at magbigay suporta.
Maalalang dahil sa nangyaring blackout sa Panay Island kaya ipinagutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Energy Regulatory Commission (ERC) na bilisan ang “rate review reset” ng NGCP at kumpletuhin ang infra projects nito.
Una nang sinabi ng MIC official na sang-ayon siya sa panukala ni House Speaker Martin Romualdez na mag-invest ang sovereign wealth fund sa NGCP.
Aniya, kabilang ang enerhiya sa nakalinyang sektor na paglalaanan ng investment ng MIC.
Pero paliwanag ni Consing, dapat lamang na willing ang mga shareholders ng NGCP na tumanggap ng investment at dapat din na madetermina ang valuation ng investment.| ulat ni Melany V. Reyes