Aabot sa mahigit 2,000 hanggang 3,000 Informal Settler Families sa San Juan City ang makikinabang sa itatayong Pambansang Pabahay para sa Pilipino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang inihayag ni Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora matapos ang isinagawang inspeksyon sa bahagi ng F. Manalo street sa Brgy. Batis.
Kasamang nag-ikot ni Mayor Zamora sina DILG Sec. Benhur Abalos Jr,., Housing and Urban Development Sec. Jose Acuzar at MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes.
Maliban sa paglalagay ng pabahay sa nasabing lugar, bubuhayin din ang linear park na dating proyekto ng Pasig River Rehabilitation Commission sa ilalim na ng Adopt-a-Park Program ng MMDA.
Ayon kay Mayor Zamora, nakakuha ang pamahalaang lungsod ng 10-meter easement mula sa San Juan River na siya namang kokonekta sa Pasig River.
Kasunod nito, inihayag ni Mayor Zamora na target nilang maging Informal Settler Families free ang lungsod bago matapos ang termino ni Pangulong Marcos. | ulat ni Jaymark Dagala