Patay ang isa umanong mataas na lider ng communist terrorist group (CTG)-NPA sa bakbakan laban sa militar sa Borongan City, Eastern Samar, nitong Sabado, Enero 6.
Sa ulat ng 8th Infantry Division, sinabing 11:30 ng umaga nang magkaroon ng engkwentro ang tropa ng 78th Infantry Battalion at mga miyembro ng New People’s Army sa Brgy. San Gabriel.
Matapos ang bakbakan, kinilala ng militar ang bangkay ni Martin Cardeño Colima alyas “Moki”, at narekober sa encounter site ang isang Cal. 45 na baril at 7 backpack.
Si Colima umano ang secretary ng Sub-Regional Committee-SESAME, Eastern Visayas Regional Party Committee. Siya rin ang sinasabing mastermind sa ambush na naganap sa Brgy. Libuton, Borongan City noong Disyembre 13, 2019, kung saan isang pulis at tatlong sibilyan ang namatay, at 12 ang nasugatan.
Batay sa ulat, ang tropa ng militar ay nagresponde sa impormasyon ng mga sibilyan hinggil sa presensya diumano ng mga miyembro ng NPA sa Bgy. San Gabriel na nagsasagawa ng extortion activities at planong pagpatay sa myembro ng CAFGU auxilliary at ilang former rebels.
Nagpahayag naman si Brig.Gen. Noel Vestuir, commander ng 802nd Brigade ng kanyang pakikisimpatiya sa pamilya ni Colima, kasabay sa kanyang apela na kuhanin na ang bangkay para mabigyan ng disenteng libing.
Kaugnay nito, nanawagan siya sa mga rebelde sa bundok na bumaba na, sumunod sa itinatakda ng batas at mamuhay ng payapa. Nariyan umano ang gobyerno na tutulong upang sila ay makapagsimulang muli at mamuhay ng mapayapa.| ulat ni Pen Pomida| RP1 Borongan