Asahan na ang presensya ng mas maraming Land Transportation Office (LTO) enforcer sa mga lansangan sa bansa sa mas mahigpit na implementasyon ng “No Registration, No Travel” policy ngayong 2024.
Bahagi ito ng direktiba ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II sa pinangunahan nitong Command Conference kasama ang iba’t ibang regional directors ng ahensya.
Ayon kay Asec. Mendoza, hindi na palulusutin sa kanilang ikakasang intelligence-based daily operations ang mga sasakyang hindi nagpaparehistro kasama na rin ang mga unconsolidated jeepney na matuturing nang colorum.
“Dumami ng dumami ang mga hindi nagpaparehistro over the years dahil lumakas ang loob dahil nakakalusot at hindi nahuhuli. This would be the end of their good days, we will conduct relentless operations against them to send a message that the LTO is serious in this campaign, kasama rin po ang private vehicles dito,” babala ni Mendoza.
Kaugnay nito, inatasan ni Asec. Mendoza ang mga regional director na magpatupad ng strategic measures at palakasin ang koordinasyon sa law enforcement agencies gaya ng PNP at pati na ang mga lokal na pamahalaan.
Una nang nakipagpulong ang LTO chief sa iba’t ibang local chief executives kung saan umani ng suporta ang “No Registration, No Travel” policy. | ulat ni Merry Ann Bastasa