Mga Pilipino, hinimok na patuloy na pangalagaan ang demokrasya ng bansa

Facebook
Twitter
LinkedIn

Hinimok ni Speaker Martin Romualdez ang mga Pilipino na protektahan at pangalagaan ang demokrasya ng bansa.

Kasabay ito ng pakikibahagi ng House leader sa paggunita ng ika-125 taong anibersaryo ng unang Republika ng Pilipinas na ginanap sa makasaysayang Barasoain Church sa Malolos City, Bulacan.

Ani Romualdez, maigi na gamitin ang pagkakataong ito upang muling ialay ang ating sarili sa demokrasya sa loob at labas ng bansa.

“…palakasin pa natin ang ating determinasyon na magpatuloy sa paghahangad ng kaunlaran para sa Pilipinas – isang bansa kung saan malaya ang bawat Pilipino na itakda ang kinabukasan na may kalayaan, kapayapaan, at kasaganaan.” Sabi ni Romualdez sa kaniyang mensahe.

Ayon pa sa lider ng 300 mga mambabatas ng Kamara, dapat ay ipagmalaki ng mga Pilipino na 125 taon na ang nakakaraan nang ang mga nagtatag ng unang Republika ay inaprubahan ang kauna-unahang republican constitution sa Asya, para itatag ang isang malayang bansa.

At ang pangarap aniya nila noon ay naisakatuparan na ngayon dahil sa nananatiling buhay at masigla ang demokrasya sa Pilipinas.

“Sa loob ng simbahang ito – pinagkaisahan ang paniniwala na ang tunay na kapangyarihan ay nagmumula sa mga mamamayan. Ang paninindigan na ang bawat Pilipino ay may pantay na mga karapatan. Ang kapangyarihan na hubugin ang kaunlaran ng bansa sa pamamagitan ng pagpili sa mga opisyal na mananagot sa taumbayan.” saad pa niya

Dagdag pa ng House Speaker, na namumukod-tangi at masigla ang demokrasya sa Pilipinas kung saan ang bawat isa ay may kalayaan sa pagpapahayag at ang paghalal sa pinuno at sa pamamagitan ng pagpili ng nakararami.

Pangunahing panauhing pandangal naman si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naturang selebrasyon. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us