Magpapatupad ng mga bagong polisiya ang National Capital Region Police Office o NCRPO para linisin ang kanilang hanay sa iligal na droga.
Ito’y ayon sa NCRPO ay matapos sampahan ng kaso ang may 177 mga pulis sa Metro Manila dahil sa iba’t ibang drug-related offenses, kabilang ang pagtatanim na ebidensya, unlawful arrests, at excessive violence.
Sa pahayag ni NCRPO Director P/MGen. Melencio Nartatez Jr na nakarating sa Kampo Crame, sinabi nitong marami pa silang kinakailangang gawin para mabawi ang tiwala ng publiko at desidido silang gawin ito.
Kaugnay niyan, sinabi ni Nartatez na kasalukuyan nang nililitis ang 177 na mga pulis na aniya’y sumisira sa tiwala ng publiko at niyurakan ang integridad ng Pambansang Pulisya.
Dahil dito, puspusan ang gagawin nilang paglilinis sa kanilang hanay upang patunayang seryoso sila na labanan ang iligal na droga. | ulat ni Jaymark Dagala