Pinirmahan ng dalawampu’t apat na senador ang manifesto na nagpapahayag ng kanilang mariing pagkondena na isinusulong na Peoples Initiative na layong amyendahan ang Saligang Batas ng Pilipinas.
Sa sesyon ngayong hapon, binasa ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang nilalaman ng naturang manifesto.
Nakasaad dito ang pagrespeto at pagkilala ng mataas na kapulungan sa taumbayan bilang soberanya ng bansa at ang karapatan ng bawat isa na manawagan para sa constitutional ammnedments.
Gayunpaman, kailangan aniyang maging mapagbantay laban sa anumang tangkang baguhin ang konstitusyon sa pamamagitan ng pag abuso sa democratic process ng Pilipinas, na itinatago sa People’s Initiative.
Sa isinusulong aniyang People’s Initiative na ito ay iisa lang ang layunin. Ito ay ang pag-amyenda ng Saligang Batas sa pamamagitan ng isang constituent assembly kung saan magkasamang boboto ang Senado at ang Kamara.
Binigyang diin sa manifesto na ang layunin nito ay tanggalin ang boses ng Senado sa pag-amyenda sa konstitusyon.
Ito ay dahil malulunod ang boses ng 24 na senador sa higit tatlong daang mga miyembro ng House of Representatives.
Kapag nangyari aniya ito ay masisira ang sistema ng check and balance at bicameralism bansa.
Bukod dito ay hindi na mapipigilan ng senado ang ilan sa mga pinapanukalang pagbabago sa probisyon ng Saligang Batas.
Kabilang dito ang foreign ownership ng mga lupain sa Pilipinas, at pag-aalis ng term limits o no election scenario sa 2025 o 2028.
Kaya naman, giniit sa manifesto na tumitindig ang mga senador at hindi mananatiling tahimik lang dito sa isyu.| ulat ni Nimfa Asuncion