Nangunguna ang mga cigarette butt o upos ng sigarilyo sa mga basurang madalas na itinatapon sa mga lansangan ng Metro Manila.
Ito ang inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA batay sa kanilang 2023 Anti-Littering Apprehension Report.
Batay sa datos, nasa halos 13,000 indibidwal o katumbas ng 79% ang nahuhuling nagtatapon ng upos ng sigarilyo sa lansangan.
Pumangalawa ang mga papel kung saan, nasa mahigit 1,500 indibidwal o 9.4 % ang mga nahuhuli at ikatlo naman ang balat ng kendi kung saan nasa mahigit 1,300 ang mga nahuhuling nagtatapon o katumbas ng 8.3%.
Salig sa MMDA Regulation no. 96-009 o Anti-Littering Law, may katapat na multang 500 pesos hanggang 1,000 pesos para sa sinumang mahuhuling nagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar.
Kaya naman panawagan ng MMDA sa publiko, maging responsable sa pagtatapon ng basura lalo’t bumabara ito sa mga kanal at iba pang daluyan ng tubig na siyang nagudulot naman ng mga pagbaha. | ulat ni Jaymark Dagala