Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nais nitong linawin sa ginawang pag-aaral ng Tomtom International kung saan nanguna ang Metro Manila sa may pinakamalalang traffic sa buong mundo noong 2023.
Ito ang sinabi ni MMDA Acting Chairperson Atty. Romando Artes sa ginawang pulong balitaan sa tanggapan ng MMDA sa Pasig City ngayong araw.
Ayon kay Artes, hindi kasi malinaw kung anong metodolohiya ang ginamit ng transportation data specialist at ginawang batayan upang ma-monitor ang sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.
Nais ding klaruhin ni Artes kung kailan ginawa ng Tomtom International ang pag-aaral, ilan ang subscribers nito sa Metro Manila, kung peak hours lamang ba ito ginawa, at iba pang factor.
Ito aniya ay upang maintindihan din ng ahensya at maikumpara ang datos nila, dahil lumalabas sa pag-aaral nito na ang Quezon Avenue sa Quezon City ang pinaka-abalang kalye sa Metro Manila pero sa datos ng MMDA ang EDSA pa rin ang pinaka-abalang kalsada.
Tiniyak naman ng MMDA na nakalatag ang kanilang mga solusyon upang maibsan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila. | ulat ni Diane Lear