Muling nagsagawa ng operasyon sa EDSA Busway ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group Strike Force partikular sa pag-akyat ng tunnel sa Cubao Northbound.
Simula alas-4 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi, pumalo sa mahigit 40 na mga sasakyan ang nahuli ng MMDA dahil sa hindi awtorisadong pagdaan sa EDSA Busway.
Karamihan sa mga nahuli ng MMDA ay mga motorsiklo na panay ang pakiusap na huwag na silang tiketan, bagamat alam naman daw nila na bawal silang dumaan sa EDSA Busway.
Isa sa nahuling naka-motorsiklo na nakapanayam ng Radyo Pilipinas ay delivery rider na sinasabing biktima siya ng fake booking kaya’t wala siya sa kaniyang tamang isip nang dumaan sa EDSA Busway.
Mayroon naman isang four-wheels na nahuli ngunit hindi na tiniketan dahil may sakay itong pasyente.
Ayon kay MMDA Special Operations Group – Strike Force officer-in-charge Gabriel Go ang mga ganoong dahilan lang ang papayagan ng MMDA.
Binigyan diin din ng MMDA na hindi lang panghuhuli ang kanilang target ngunit layon ng kanilang pinaigting na operasyon sa EDSA busway na madisiplina ang mga motorista. | ulat ni Diane Lear