Tuloy-tuloy ang ginagawang operasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Special Operations Group – Strike Force sa kahabaan ng EDSA ngayong ikatlong araw ng taon.
Mula alas-7 hanggang alas-10:30 kaninang umaga, pumalo na sa humigit kumulang 80 sasakyan ang nahuli ng MMDA dahil sa hindi awtorisadong pagdaan sa EDSA busway.
Partikular na tinauhan ng MMDA ay ang bahagi ng northbound lane ng EDSA Pioneer, EDSA Corinthians (pagbaba ng Ortigas flyover) at EDSA Whiteplanes.
Kanina, isang SUV ang hinuli ng mga tauhan ng MMDA na nagtangka pang tumakas dahil sa pagdaan sa busway subalit agad din itong nasukol pagsapit sa Whiteplanes.
Dahil dito, sa halip na P5,000 multa para sa unang paglabag, itinaas na ito sa ikatlong paglabag na may katapat na multa na P20,000 at rekomendasyon sa LTO na suspindihin ang lisensya ng nagmamaneho nito.
Ayon kay MMDA Special Operations Group – Strike Force Officer-In-Charge, Gabriel Go, hindi sila tumitigil sa pananawagan at pag-apela sa mga motorista na sundin ang batas trapiko.
Katunayan aniya, pinalawak pa nila ang kanilang operasyon hanggang sa mga flyover dahil dito mas madalas maraming pasaway ang dumaraan sa busway kahit hindi dapat. | ulat ni Jaymark Dagala