Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang most wanted person (MWP) na nagtago ng 16 na taon.
Kinilala ni CIDG Director Police Major General Romeo Caramat Jr. ang akusado na si Sherwin Amorado Endaya na nakalista sa National Level MWP ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may patong sa ulong P135,000.
Ang akusado ay inaresto ng mga tauhan ng CIDG Batangas Provincial Field Unit (PFU) sa Brgy. San Carlos, Lipa City, Batangas sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder.
Ayon kay Caramat, si Endaya ay akusado sa pagkamatay ng biktimang si Ruben Villapando Laydia, Sr., noong Abril 22, 2007 sa Malvar, Batangas.
Pinuri ni Caramat ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon na resulta ng dalawang buwang pagsubaybay sa akusado, kasabay ng pagtiyak na patuloy na tutugisin ng CIDG ang lahat ng wanted na indibidual gaano man katagal nagtago sa batas. | ulat ni Leo Sarne