Narekober ng mga tropa ng 63rd Infantry Battalion (63IB) ang nakaimbak na armas ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Bagti, Barangay Mabini, Basey Samar.
Ayon kay 63IB Commander Lieutenant Colonel Lucio Janolino, nadiskubre ng mga tropa ang naka-baon na armas dahil sa impormasyong ibinahagi ng isang NPA lider na sumuko kamakailan.
Kabilang sa mga narekober ang apat na AK47 rifle, limang upper receivers ng M16 rifle, limang mahabang magazine, at dalawang disc-type magazine ng AK47.
Nagpasalamat si Lt. Col. Janolino, sa kooperasyon at sinseridad ng sumukong NPA lider at sinabing malaking bagay ang pakikipagtulungan sa pamahalaan ng mga dating NPA upang mawakasan ang insurhensya.
Binati naman ni 8th Infantry Division Commander Major General Camilo Z. Ligayo ang mga tropa ng 63IB sa matagumpay na operasyon, at sinabing ang pagkakabawi ng armas ng kalaban ay malaking tulong sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon. | ulat ni Leo Sarne