Karamihan sa mga Congressional Staff at Secretariat ang tutol sa planong ilipat ang tanggapan ng House of Representatives mula Quezon City patungo sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.
Batay sa resulta ng isinagawang survey ng Kamara hinggil sa posibleng relocation lumalabas na 1,481 o 88% sa kabuuang 1,698 responses ang tutol sa paglipat ng Kamara.
Habang 208 o 12% lamang sa mga ito ang pabor.
Nasa 516 sa sumagot sa survey at Congressional staff habang 1,182 naman ang Secretariat employees.
Kabilang sa mga rason kung bakit tinutulan ng mga empleyado ang paglipat sa Taguig ang layo ng kanilang tirahan sa BGC na may 1,321 responses; mabigat na daloy ng trapiko; at problema sa transportation system.
Isinusulong ang paglipat ng Kamara sa BGC para mas mapadali ang ugnayan sa pagitan ng Senado at Kamara.
Nakatakdang lumipat ng opisina ang Senado sa Taguig oras na matapos ang pinapatayong gusali doon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes