Patuloy ang pag-aalalay ng Philippine Red Cross (PRC) sa mga indibidwal na nangangailangan ng atensyong medikal sa isinasagawang Traslacion ng Itim na Nazareno.
Batay sa pinakahuling datos ng PRC as of 4PM, umabot na sa 608 na mga indibidwal ang naserbisyuhan dahil sa iba’t ibang kaso.
Sa nasabing bilang, 257 ang kinakailangan na kuhaan ng vital signs, nasa 183 ang nagtamo ng minor cases, habang anim ang major cases. Nasa 28 naman ang dinala sa ospital, siyam ang nabigyan ng welfare assistance, at 125 ang nakatanggap ng hot meals.
Kabilang sa mga kaso na naranasan ng mga pasyente sa minor cases ay abrasion, burn, dizziness, puncture, laceration, difficulty in breathing, chest pain, hyperventilation, at wound.
Habang sa major cases naman ay head trauma (swelling), laceration, incision, fainting, severe chest pain, at suspected fracture.
Inaasahang madaragdagan pa ang bilang ng mga indibidwal na mabibigyan ng atensyong medikal ng PRC hanggang sa matapos ang Traslacion 2024. | ulat ni Diane Lear