Sinaklolohan ng Naval Forces Western Mindanao (NFWM) ang isang bapor na may sakay na 120 pasahero, na nasiraan ng makina sa karagatan ng Basilan.
Sa ulat ni Lieutenant Chester Ross Cabaltera, Acting Public Affairs Officer ng NFWM, na-monitor ng NFWM Littoral Monitoring Station (LMS) sa Pilas, Hadji Muhtamad, Basilan ang distress call ng Motor Banca (MB) Den Russel na nasa isang milya ang layo sa Lampinigan Island, Basilan Province kahapon ng alas-9:22 ng umaga.
Ang naturang bapor ay nagmula sa Dungon, Banguingui, Sulu Province at patungo ng Zamboanga City nang masiraan ng makina.
Agad dinispatsa ng NFWM ang BRP Ivatan (LC298), na dahil sa sama ng panahon ay agad hinila ang nasiraang bapor patungo sa Naval Station Romulo (NSRE) Espaldon sa Zamboanga City.
Pagdating sa NSRE, naayos na ng crew ang makina ng bapor at tumuloy ito sa Petron Pier sa Lower Calarian kung saan diniskarga ang lahat ng mga pasahero.
Pinaalalahanan naman ni NFWM Commander Rear Admiral Donn Anthony Miraflor ang lahat ng manlalayag, na laging siguruhin na nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago pumalaot. | ulat Leo Sarne