Dapat nang pagbayarin ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP ) sa pagkalugi ng mga negosyo, partikular ng mga maliliit na negosyante na labis na naapektuhan ng power outage sa Western Visayas.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, masyadong maliit kung multa lang ang ipapataw sa NGCP.
Mas mararamdaman aniya nila kung isasama sa kanilang magiging parusa ang pagbabalik ng mga nalugi ng mga negosyante.
Sinabi ng senador na batay sa kanilang pag-aanalisa, dalawa ang may responsibilidad sa nangyaring power outage.
Kabilang dito ang Panay Electric Development Corporation (PEDC) at ang NGCP dahil hindi sila nagsagawa ng manual load dropping kaya buong sistema ang nag-collapse at nagkaroon ng blackout sa buong Panay Island.
Muli ring binigyang-diin ng senador na naiwasan sana ang power outage kung natapos na ang Mindanao-Visayas interconnection at Cebu-Negros-Panay interconnection upgrading dahil labis ang supply ng kuryente sa Mindanao. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion