Ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang ‘no fly zone, no drone zone, at no sail zone’ mula sa bisinidad ng Quirino Grand Stand hanggang sa Quiapo Church simula sa Enero 7 bilang bahagi ng seguridad para sa Traslacion 2024.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ang pagbabawal ay paiiralin hanggang Enero 10.
Samantala, ikinokonsidera naman ng PNP ang pagpapatupad ng signal jamming sa mismong araw ng Traslacion sa Enero 9.
Tuloy-tuloy na rin sa ngayon ang koordinasyon ng PNP sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa pagsasagawa ng clearing operation, upang matiyak na walang sagabal sa dadaanan ng prusisyon kung saan inaasahang dadagsa ang mga deboto.
Una na ring sinabi ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na nasisiyahan siya sa paghahandang ginawa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para masiguro ang kaligtasan ng mga lalahok sa aktibidad. | ulat ni Leo Sarne