Naaresto ng mga tauhan ng PNP Anti Cybercrime Group (ACG) ang isang online sexual predator na nambiktima ng menor de edad, sa isang entrapment operation kaninang madaling araw sa Brgy. 547 Sampaloc Manila.
Kinilala ni ACG Cyber Response Unit Chief PCol. Jay Guillermo ang lalaking suspek na si Denver Estorninos alyas “Marjorie Osmena” sa Facebook, 25, na residente ng Gen. Mariano Alvarez, Cavite.
Base sa reklamo ng mga magulang ng menor de edad na biktima, nag-message ang suspek noong linggo sa kanilang anak gamit ang Facebook account na “Margorie Osmena”, at nakumbinsi itong magpadala ng hubad na larawan at video kapalit ng 8-libong piso.
Kasunod nito, binantaan ng suspek ang biktima na ikakalat sa internet ang mga larawan at video kung hindi makikipagkita ang biktima, na agad ni-report ng mga magulang ng biktima sa ACG matapos isumbong ng bata sa kanila.
Ang arestadong suspek ay nahaharap sa kasong “grave coercion” at paglabag sa R.A. No. 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012” at R.A. No. 11930 o “Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.” | ulat ni Leo Sarne