Ipinapanukala ni Las Piñas Rep. Camille Villar ang paglulunsad ng programa kung saan bibigyan ng libreng access sa digital learning resources ang lahat ng barangay sa buong bansa.
Sa kaniyang House Bill 9581 o E-books for the Barangay Program Act, pangungunahan ng DepEd ang pagtiyak na lahat ng barangay sa buong bansa ay may digital learning materials gaya ng e-books, video lectures at iba pa.
Maliban dito, mamamahagi rin ng electronic device gaya ng tablet o e-reader lalo na sa mga lugar na may mahinang internet.
Sa paraan aniyang ito ay matutugunan ang digital divide sa bansa gayundin ay maisusulong ang digital literacy at matitiyak na may dekalidad na educational resources ang mga mag-aaral.
“The Philippine archipelago poses significant challenges in terms of providing equitable access to educational resources, especially in rural and marginalized communities. The limited physical library infrastructures, inadequate reading materials, and a lack of access to up-to-date digital learning tools exacerbate the situation,” saad ni Villar.
Pinagkakasa rin ang DepEd ng mga workshop at training patungkol sa digital literacy upang mas maging maalam at mahasa ang mga residente ng barangay sa paggamit ng electronic resources.
Isasailalim naman sa periodic assessment ang naturang resources upang masiguro na ito ay napapanahon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes